Latest News

Pag bati Mula kay

Cong. Rodolfo "Ompong" M. Ordanes

Ako po si Congressman Ompong Ordanes ang representante ng ating humigit kumulang sampung milyong senior citizens sa ilalim ng Senior Citizens Party-List. Andito po ako ngayon upang humingi ng tulong at suporta mula sa aking mga kapwa kongresista at sa ating gobyerno para tuluyan ng maisakatuparan ang mga kritikal na programang kailangan naming mga senior citizens.

Alam nyo po kaming nakakatanda ay simple lamang ang pangarap pagkatapos naming mag retiro. Karamihan ho samin ay hindi naman humihiling ng magagarbong retirement kundi ay nangangarap lamang na magkaroon ng sapat na pension para sa aming pang araw-araw na pangangailangan, at para na rin hindi na kami dumagdag sa iniisip ng aming mga minamahal sa buhay. Kaya nga po kami ay masugid na nagbayad ng maraming taon ng kontribyusion namin sa SSS para lang maisakatuparan ang panagarap na ito.

Kaso po, pag tinignan po natin nang SSS data, ang average ng pension na tinatanggap ng ating mahigit kumulang 2.5 million SSS pensioners ay PhP 4,960 kada buwan lamang. Mahabang taon na pagbabayad para sa buwanang pension na hindi man lang lumagpas ng limang libong piso. Kaya po sumulat ako sa SSS para umapela na ibigay na sa ating mga pensioners ang 2nd tranche increase sa pension na PhP 1,000 na ipinangako ng ating Pangulong Duterte sa kanila noon pang 2017.

Nakakapanlumo po ang sagot ng SSS sa atin, dahil sa halip na bigyan tayo nang pag-asa ay lungkot ang isinagot sa atin. Hindi raw po nila maibibigay ang karagdagang PhP 1,000 pension increase dahil mababawasan ng pitong (7) taon ang Fund Life ng SSS. Nakakadismaya ho ito dahil sa kabila ng kahirapan na dinaranas ng ating SSS pensioners ngayong panahon ng pandemya ay tinitipid parin natin sila ngayon. Lalo na at marami naman  pong ibang paraan para pahabain ang buhay ng SSS ng hindi pinapahirapan ang ating mga pensioners. Kaya ho nanawagan ako ulit sa SSS na i-release na ang PhP 1,000 SSS pension increase at itigil na ang paghihirap na dinaranas ng ating 2.5 million na SSS pensioners. Naghain rin ho tayo ng imbestigasyon, in aid of legislation, ukol sa SSS pension increase dito sa Kongreso.

Pangalawa po, Gusto ko rin ho sana umapela sa DSWD. Madami po akong tinatanggap na reklamo kung saan hindi malaman ng aking mga kapwa senior kung bakit natigil ang kanilang pension ng 2019. Yung iba naman po ay dalawang taon na ang nakaraan ay hindi parin naibibigay sa kanila ang kanila pension. Sana po ay aksyunan din natin ito, dapat magpaliwanag ang DSWD sa ating mga pensioners kung ano ang dahilan ng delay o pagtanggal ng kanilang pension. Maliit na halaga po ang PhP 500 subalit napakalaking bagay ang tulong na ibinibigay nito sa ating mga indigent senior citizens na kahit paano ay magkakaroon ng dagdag na PhP 500 para sa gastusin nila kada buwan. Kaya po nanawagan ulit ako sa DSWD na makipagtulungan sa aking opisina para maibigay ng maayos at sa tamang oras ang social pension ng ating mga senior citizens.

Pangatlo po, sa aking mga kasamahan sa mababang kapulungan, humihiling po ako ng tulong sa inyo na maipasa ang Universal Pension bill sa lalong madaling panahon. Dahil sa pamamagitan ng batas na ito, magiging isang libo na ang pension na tatangapin ng lahat ng ating mga senior citizens. Malaking tulong ho ito sa aming mga senior  lalo na at may pinagdaraanan tayong pandemya kung saan habang nagmamahal ang mga bilihin ay hirap naman kaming mga senior maghanap-buhay para sa aming pangaraw-araw.

Bukod po sa Universal Pension, sana ho ay suportahan nyo rin pong maisabatas narin natin ang ibang batas na ating ipinanukala katulad ng amended Centenarian Bill, kung saan ay bukod sa PhP 100,000 na ibibigay natin sa ating mga centenarian ay daragdagan pa ho natin ito ng PhP 25,000 na cash gift kada limang taon mula ng tumunton ang ating mga senior ng edad na 80 years old. Ito ay para naman ho lubos na ma-enjoy ng ating mga nakakatanda ang cash gift na inaabot sa kanila ng ating pamahalaan.

Ipinanukala rin po natin ang Free Immunization for Senior Citizens Act of 2020, kung saan ay pinalawak natin ang mga libreng bakuna na pwedeng i-avail ng ating mga senior citizens, mula sa diptheria, shingles, measles, hanggang COVID-19. Sa pamamagitan ng batas na ito ay masisigurado natin ang kasiglahan at malakas na pangangatawan ng ating mga lolo at lola.

Ipinapasa rin ho natin ang Free Dialysis for Senior Citizens Act kung saan ay papalawakin natin ang sakop ng Free Dialysis sa Philhealth mula sa kasalukuyang 90 days papunta sa 144 days. Sa pamamagitan ng batas na ito ay hindi na ho kailangan mag-isip ng ating mga kapwa senior kung saan nila hahagilapin ang halos PhP 135,000 per year para sa natitirang 54 dialysis sessions nila na sa ngayon ay hindi covered ng Philhealth.

Gamit ang mga panukalang ito, masisigurado natin na habang buhay ay hindi na magiging mitsa ng buhay ng ating mga kapwa senior ang kakulangan ng pera at patuloy na natin masisiguro ang kanilang kalusugan at pagsagot sa kanilang pangangailangan.
Mga kababayan at kasamahan sa mababang kapulungan, alam nyo po, ang isa pong importanteng aral na ibinigay sa atin ng COVID-pandemic ay ang importansya ng oras. Ika-nga nila, every second and every minute counts dahil pag tayo ay nadelay ng kahit isang minuto sa pag responde sa COVID-19 at sa pangangailangan ng ating mga kababayan ay kapalit agad nito ay buhay. Hindi po pwede yung manyana habit natin dito.

Kaya po, on behalf of our almost ten million senior citizens na patuloy na vulnerable sa COVID-19, sana po ay matulungan nyo po akong maisakatuparan ang mga ipinapanukala kong batas at resolusyon na Universal Pension, Amended Centenarian Act, SSS pension increase, at Free Vaccination and Dialysis Bill Gamit ang mga ito / tuluyan na nating maparanas ang maginahawang buhay na minandato ng ating Constitution sa ating mga lolo at lola. Inuudyok ko rin po ang DOH, DSWD, at SSS na aktohan ang mga pangangailangan ng ating mga kababayan sa lalong madaling panahon, lalo na pagdating sa ating bakuna at pension.

Wag na ho nating antayin na mag-pantay ang paa ng kabayo bago natin ibigay dito ang damo. Let us act now para masiguardo natin na wala sa ating kababayan ang maiiwan dahil sa pandemyang ito.
Maraming, Maraming Salamat po ulit sa ating speaker at ang aking mga kasamahan sa pagkinig at pagtugon ng pansin sa hinaing naming mga senior citizens. Sana po ay matulungan nyo po kaming maabot ang mga minimithi naming programa.

GODBless po!

Seek assistance - Online Complaint Form